Kumukuha Ng TECHVOC Sa TESDA Mas Dumarami
Mas lalong nadaragdagan ang mga estudiyante na kumukuha ng Technical-Vocational (TechVoc) courses base na rin sa inilabas ng ulat ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) dahilan upang hilingin ng ahensiya na madagdagan ang kanilang pondo.
Ayon kay TESDA Director General, Secretary Guiling “Gene” Mamondiong, noong nakalipas na taon ay umabot na sa 2,269,665 ang nagpa-enrol sa iba’t-ibang training programs ng ahensiya at inaasahan na lalo pa itong madaragdagan ngayong taon.
Sa naturang bilang, 2,151,236 ang nakatapos ng kanilang kinuhang kurso habang 1,521,530 ang nakapagpa-assess samantalang 1,398,780 ang nabigyan ng sertipiko matapos makapasa ang mga ito sa assessment na ipinagkaloob ng TESDA.
Base pa sa record ng TESDA, simula noong 1995 hanggang 2016 ay umabot na sa 30,621,180 ang nagpatala sa kanilang iba’t-ibang training programs kung saan ay 25,434,151 sa mga ito ang nakapagtapos habang 11,148,144 ang nakakuha ng assessment samantalang 9,167,792 ang na-certified.
Dahil dito, patuloy ang paghiling ng TESDA sa Department of Budget and Management (DBM) na madagdagan ang kanilang pondo nang sa gayon ay makapagbigay sila ng mas maraming scholarship sa mga nagnanais na magkaroon ng skills training.
Sinabi pa ni Mamondiong na tinatayang aabot sa P24 bilyon ang kakailanganing pondo ng naturang ahensiya upang makapagbigay ng skills training sa mas marami pa nating kababayan sa susunod na taon (2018).
Bukod sa pagbibigay ng maraming scholarship ay plano din ni Mamondiong na mapondohan ang modernisasyon ng mga Regional Training Center ng TESDA sa buong bansa upang makapagbigay ng dekalidad na skills training at maisakatuparan ang emergency skills training para sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) at iba pang sektor.
Napag-alaman naman mula sa talaan ng TESDA, kabilang sa limang industry sectors na mas kinakailangan ngayon sa bansa ay ang Agribusiness, Construction, Information Technology, Health and Wellness at Hotel, Restaurant and Tourism.