Pumili Ng Tamang Skills Training -TESDA
Pinayuhan ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang mga mag-aaral na piliin ng wasto ang kukuning kurso upang maiwasan ang job mismatch kapag nagtapos na ang mga ito sa kanilang pag-aaral.
Ayon kay TESDA Director General, Secretary Guiling “Gene” Mamondiong, napakahalaga na mapag-isipang mabuti ng mga mag-aaral kung ano ang kanilang kukuning kurso upang makakuha agad ang mga ito ng trabaho sa kanilang pagtatapos.
Dahil dito, nagbigay ng payo ang kalihim sa mga gustong makapasok sa TESDA na piliing mabuti ang kanilang kukuning skills training upang mas madali silang magkaroon ng pagkakakitaan.
Base sa talaan ng TESDA, kabilang sa limang industry sectors na mas kinakailangan ngayon sa bansa ay ang Agribusiness, Construction, Information Technology, Health and Wellness at Hotel, Restaurant and Tourism.
Ilan sa mga halimbawa ng training programs na nakapaloob sa Agribusiness ay ang agriculture production at horticulture. Nakapaloob naman sa Construction ang carpentry, masonry, at heavy equipment operation habang sa Information Technology ay ang visual graphic design, 2D/3D animation at contact center services.
Kabilang naman sa ilan sa nakapaloob sa Health and Wellness ang massage therapy, caregiving at beauty care habang sa Hotel, Restaurant and Tourism naman ay ang mga training programs tulad ng housekeeping, barista, bartending at cookery at iba pa.
Aniya, kabilang naman sa top 10 na kurso sa TESDA noong nakalipas na taon ang Shielded Metal Arc Welding (SMAW) NC II; Cookery NC II; Food and Beverage Services NC II; Bread and Pastry Production NC II; Housekeeping NC II; Electrical Installation and Maintenance NC II; Shielded Metal Arc Welding (SMAW) NC I; Computer System Servicing NC II; Bookkeeping NC III at Contact Center Services NC II.
Napag-alaman pa sa record ng ahensiya na simula noong 1995 hanggang 2016 ay umabot na sa 30,621,180 ang nakapag-enrol sa TESDA kung saan ay 25,434,151 sa mga ito ang nakapagtapos habang 11,148,144 ang nakakuha ng assessment samantalang 9,167,792 ang na-certified.