317 OFWs SA MIDDLE EAST NABIGYAN NG ASSESSMENT NG TESDA
Umabot sa tatlong-daan at labing-pitong (317) Overseas Filipino Workers (OFWs) na nagtatrabaho sa Middle East ang napagkalooban ng onsite competency assessment ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na ginanap sa mismong kinaroroonang lugar ng mga ito.
Sa nasabing bilang, dalawang-daan at limapu’t-dalawa (252) ang nabigyan ng sertipiko matapos na pumasa ang mga ito sa assessment na ginanap sa iba’t-ibang lugar sa Middle East kabilang na dito ang Riyadh, Al Khobar, Abu Dhabi, Dubai at Jeddah kung saan ay umabot sa 79.49% ang naging certification rate.
Ilan sa mga qualifications na nabigyan ng assessment ay ang Computer System Servicing NC II; Technical Drafting NC II; Visual Graphic Design NC III; Events Management NC III; Food and Beverage Services NC II; Caregiving NC II at Massage Therapy NC II.
Sinimulan ang Onsite Assessment Program (OAP) ng TESDA noong April 28 hangang April 30 ng kasalukuyang taon sa Riyadh at Al Khobar; May 5 at 6 sa Abu Dhabi; May 4 hanggang May 8 sa Jeddah at May 12 at 13 sa Dubai.
Base sa talaan, umabot sa 76 OFWs mula sa Riyadh at Al Khobar ang lumahok sa OAP at 70 sa mga ito ang nabigyan ng sertipiko na mayroong 92.11% certification rate; 112 naman mula sa 130 na nagmula sa Jeddah ang pumasa sa assessment (86.91%) 27 mula sa 39 ang nanggaling sa Abu Dhabi (69.23%) at mula naman sa Dubai 43 sa 72 ang pumasa (59.7%).
Bukod sa pagbibigay ng onsite assessment sa mga OFWs sa Middle East ay nakipagpulong din at nagsagawa ng inpeksiyon ang mga kinatawan ng ahensiya sa mga institusyon na nag-aaplay na magkaroon ng program registration at accreditation bilang TESDA assessment center.
Ayon kay TESDA Director General, Secretary Guiling “Gene” Mamondiong, sa pamamagitan ng OAP ay nagkakaroon ng pagkakataon ang mga OFWs na kasalukuyang nagtatrabaho sa ibang bansa na mapaangat ang kanilang mga kasanayan at makakuha ng mas maayos na hanapbuhay.
“The program seeks to support the goal of bringing the Filipino overseas workers out of low skilled, low paying and oppressive service work, and assist them to land in higher skilled, better paying and decent work” sabi pa ni Mamondiong.